Photo courtesy of Senate of the Philippines
Pinasusuri ni Senador Kiko Pangilinan sa National Bureau of Investigation (NBI) kung may organisadong grupong nasa likod ng magkakasunod na pamamaril sa mga paaralan sa bansa.
Sa pagidnig ng Senate Subcommittee on Finance sa panukalang 2027 budget ng DOJ, sinabi ni Pangilinan na hindi pangkaraniwan ang sunod-sunod na insidente ng school shootings na naganap sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Kaya tinanong ng senador si NBI Director Atty. Melvin Matibag kung posibleng may grupong nag-oorganisa nito para lumikha ng kaguluhan, instability at takot sa publiko at ipakitang mahina ang pamahalaan.
Mas nakababahala aniya kung mapatutunayang may mga dayuhang sangkot sa mga insidente.
Sinabi naman ni Matibag na may basehan ang punto ng senador at maingat aniyang sinusuri at iniimbestigahan ng NBI ang bawat kaso.
Iginiit ni Pangilinan na kailangang siyasating mabuti ang mga insidenteng nangyari sa magkakasunod na buwan.