Hindi muna magpapatupad ng limitasyon sa rice importation ang Department of Agriculture (DA).
Ayon kay DA Spokesperson Assistant Secretary Arnel de Mesa, bahagi ito ng hakbang ng pamahalaan para mapanatiling matatag ang suplay at stable ang presyo ng bigas, lalo na sa inaasahang epekto ng “very strong” El Niño sa lokal na produksyon.
Kasabay ng tuloy-tuloy na importasyon ang suporta ng DA sa lokal na palay production, kabilang ang pamamahagi ng farm inputs at fertilizer at pagbibigay ng fuel subsidy.
Batay sa tala ng DA, nasa 3.89 milyong metriko tonelada na ang rice imports na dumating sa bansa hanggang September 17 na mas mataas kumpara sa 3.38 MMT na kabuuang imports noong 2025.