Malaya umano ang kampo ni Vice President Sara Duterte na dumulog sa Supreme Court para sa usapin ng voting threshold sa impeachment trial ng Pangalawang Pangulo.
Ayon kay House Prosecutor Terry Ridon, walang pumipigil sa Bise Presidente, sa kanyang mga kaalyado, o maging kay Atty. Paolo Panelo na kuwestiyunin ang naging desisyon ng Impeachment Court kung naniniwala silang may sapat silang ligal na basehan.
Sa Day 28 ng paglilitis, bumoto ang Impeachment Court ng 13-1 upang iwanan ang dating interpretasyon na awtomatikong 16 na boto ang kailangan para sa hatol.
Binigyang-diin ni Ridon na handang maghintay at ganap na tatalima ang kanilang panig, anuman ang magiging pinal na pasya ng Korte Suprema.
Sa kasalukuyan, patuloy pa rin ang paghahain ng mga ebidensya ng prosecution laban sa Bise Presidente habang gumugulong ang paglilitis sa Senado.