Mas pinagpupursigihan ngayon ng Department of Science and Technology – Philippine Nuclear Research Institute o DOST-PNRI ang paghahanda at pag-aaral para sa pag-develop ng Pilipinas ng sarili nitong Nuclear Power Plant na makatutulong sa energy security ng bansa.
Sa panayam ng Bagong Pilipinas Ngayon, sinabi ni DOST-PNRI Science and Technology Fellow, Engr. Mark Gino Aliperio na target talaga ng bansa ang isang diversified energy source kung saan 50 percent ng energy mix ay magmumula sa renewable energy gaya ng solar, geothermal, at hydroelectric power habang ang nalalabing 50% ay ang base load na pupunuan naman ng Nuclear energy plants.
Isa nga sa mga pinakabagong investment ng DOST at ng bansa upang mas maabot na ng Pilipinas ang utilization ng nuclear energy ay ang Nuclear Plant Simulator and Analyzer Facility.
Sa tulong kasi nito ay napag-iibayo pa ang research and development sa Nuclear energy at nagsisilbi rin itong training ground para sa mga nuclear plant operators and professionals ng bansa.
Mahalaga kasi na bago mabuo ang isang Nuclear Power Plant ay matiyak na may kapasidad at may kakayahang patakbuhin ito ng bansa, nang hindi umaasa sa mga nuclear energy professionals and experts mula sa ibang bansa.