Epektibo na simula ngayong araw ng Sabado, Setyembre 26, ang P60 na dagdag-sahod para sa mga minimum wage worker sa National Capital Region.
Aabot sa tinatayang 1.1 milyong minimum wage earners sa Metro Manila ang makikinabang sa wage increase, ayon sa Department of Labor and Employment (DOLE).
Para sa mga non-agricultural worker, tataas mula P695 tungong P755 kada araw ang minimum wage.
Samantala, mula P658 magiging P718 kada araw naman ang minimum wage para sa mga manggagawa sa agriculture, maliliit na retail at service establishments na may 15 o mas kaunting empleyado, at small manufacturing establishments na regular na may mas mababa sa 10 manggagawa.
Hinimok ng DOLE ang mga employer na tiyaking na-update ang kanilang payroll at compensation systems upang masunod ang bagong wage rates.
Isinagawa ang nasabing wage adjustment sa pamamagitan ng tripartite wage-setting process. Tiniyak naman ng ahensya na patuloy ito sa pag-monitor sa pagsunod sa bagong minimum wage rates sa NCR.