Tinatayang tumaas ng 30 porsyento ang productivity ng Nuvali Steel Processing Center Inc. matapos palawakin ng kumpanya ang paggamit ng robotics sa kanilang manufacturing operations.
Ayon kay Nuvali Steel Representative at Treasurer Hanz Chan, malaking tulong ang robotics sa pagpapabilis ng produksyon, pagpapabuti ng kalidad, at pagbawas ng downtime sa kanilang operasyon.
Dahil dito, sinabi ni Chan na dumami rin ang kanilang customers, kabilang ang mga nasa automotive industry na nangangailangan ng precision manufacturing.
Sa pagbisita ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., nasaksihan niya mismo ang paggamit ng advanced robotics sa aktuwal na manufacturing operations. Dito, binigyang-diin ng Pangulo na mahalaga ang pagtutulungan ng gobyerno at pribadong sektor upang maihatid ang state-of-the-art technology sa mga industriya at mapalakas ang kakayahan ng Pilipinas na makipagkumpitensya sa pandaigdigang merkado.