Hindi makakapagpatigil o makakapagpabagal sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte ang mga petisyong inihain sa Supreme Court kaugnay ng conviction threshold.
Ayon kay Deputy Speaker Paolo Ortega, tuloy-tuloy ang paghahanda ng House prosecution panel at hindi nakatuon ang kanilang atensyon sa usapin ng threshold kung hindi sa pagpapalakas ng kanilang ebidensiya at kaso.
Posible umanong maging delaying tactic ang mga petisyon, pero iginiit ni Ortega na magpapatuloy ang paglilitis mayroon man o walang desisyon ang Supreme Court.
Matatandaang nagpasya ang Senate Impeachment Court na ang two-thirds requirement para sa conviction ay ibabatay sa bilang ng mga aktibong kalahok na senator-judge, at hindi awtomatikong sa 24 na senador.
Dahil dito, dalawang petisyon ang inihain sa Supreme Court—isa mula kay dating Executive Secretary Victor Rodriguez at isa naman kay Atty. Ernesto Francisco Jr., na kapwa humihiling na ihinto muna ang pagpapatupad ng bagong ruling.
Gayunman, sa parte ni Ortega, umaasa siyang ibabasura ng Hukuman ang naturang mga petisyon.