Sa nalalapit na pagdiriwang ng National Elderly Filipino Week sa October 1 hanggang 7, nanawagan si Senior Citizens Party-list Representative Rodolfo Ordanes na maglatag ng malinaw na timetable at pondo para sa Universal Social Pension para sa lahat ng senior citizen.
Sa ngayon, limitado sa mga kwalipikadong indigent senior citizen ang ₱1,000 buwanang social pension ng pamahalaan.
Pero giit ni Ordanes, hindi nangangahulugang wala nang problema sa gamot, pagkain at pang-araw-araw na gastusin ang mga senior na hindi kabilang sa indigency classification.
Kabilang sa mga itinutulak niyang hakbang ang House Bill 427, na naglalayong palawakin ang social pension sa lahat ng senior citizen.
Noong 19th Congress, naaprubahan sa ikatlo at huling pagbasa ng Kamara ang Universal Social Pension bill ngunit nanatili itong nakabinbin sa Senate committee level.
Hinikayat ni Ordanes ang House Appropriations Committee, DBM, DOF, DSWD at NCSC na bumuo ng costed implementation roadmap para sa sustainable financing ng programa.
Giit niya, kung hindi kayang pondohan agad ang buong programa, maaaring ipatupad ito nang phased o paunti-unti, basta may malinaw na petsa kung kailan makakamit ang universal coverage. | ulat ni Kathleen Forbes