Bilang ASEAN 2026 Chair, pinangunahan ng Pilipinas ang 4th ASEAN Women Leaders’ Summit, na pormal na binuksan ngayong Martes (September 29).
Sa ilalim ng temang “Women’s Leadership for Inclusive Prosperity in the ASEAN Region,” layunin ng summit na pag-isahin ang iba’t ibang sektor sa pagsusulong ng women’s leadership at gender equality sa rehiyon.
Sa kanyang opening message sa harap ng mga delegado mula sa 11 ASEAN member states at dialogue partners, binigyang-diin ni Philippine Commission on Women (PCW) Chairperson Ermelita Valdeavilla — na nagsisilbi ring Chair ng ASEAN Committee on Women — ang kahalagahan ng pagpapatatag ng mga mekanismo upang matiyak ang aktibong partisipasyon ng kababaihan sa pagbuo ng mga polisiya at desisyong makatutulong sa patuloy na pag-unlad ng Southeast Asia.
“Women are the primary drivers of sustainable economic and societal transformation. Whether leading climate action and biodiversity stewardship, advancing digital innovation and STEM, building peace and security across our communities, or breaking structural barriers in non-traditional fields, women are engineering the future of ASEAN,” wika ni Valdeavilla.
Magtatagal ang ASEAN Women Leaders’ Summit hanggang sa Huwebes (October 1), sa Shangri-La EDSA.