Hindi lamang pagpapalawak ng mga pasilidad pang-turismo ang dapat maging layunin ng pamumuhunan sa turismo, kung hindi ang pagtiyak na may pangmatagalang benepisyo ito para sa mga destinasyon at kanilang mga komunidad.
Sa ASEAN Tourism Investment Showcase, sinabi ni Philippine Department of Tourism (DOT) Assistant Secretary Gisele Marie Romualdez-Quisumbing na mahalagang tingnan ang turismo hindi lamang bilang industriya, kundi bilang oportunidad na lumikha ng trabaho, kabuhayan at sustainable development.
Binigyang-diin din niya na dapat maging mas resilient ang mga destinasyon, lumikha ng makabuluhang oportunidad para sa lokal na komunidad, at mapangalagaan ang mga likas at kultural na yaman na siyang pangunahing atraksyon ng ASEAN tourism.