Mahigpit nang tinututukan ng Embahada ng Pilipinas sa Thailand ang sitwasyon ng mga Pilipinong nagtatrabaho at naninirahan doon bunsod ng malakas na pag-ulan na nagdulot ng mga pagbaha.
Sa panayam ng Bagong Pilipinas Ngayon kay Philippine Ambassador to Thailand Millicent Cruz Paredes, sinabi nitong wala pa namang naiulat sa kanila na Filipino casualty sa pagbaha.
Pagdating naman sa pangangailangan ng mga Pilipinong apektado ng pagbaha ay nakikipag-ugnayan na sila sa mga Filipino Community upang agad na maipadala ang relief assistance sa kanila tulad ng tubig at pagkain.
Mino-monitor na rin ng embahada kung may mga Pilipino nang lumikas sa mga shelter dahil sa pagbaha.
Sa ngayon, pahirapan ang pagbili ng mga pangunahing pangangailangan sa Thailand dahil sa naganap na panic buying sa ilang mga pamilihan at grocery stores, bagay na inaaksiyunan na ng Embahada ng Pilipinas upang tugunan ang pangangailangan ng mga Pinoy na apektado ng pagbaha.
Simula kahapon hanggang ngayong araw ay idineklarang holiday ng bansang Thailand dahil sa matinding pagbaha.