Mas pinalalakas pa ng Central Luzon State University College of Engineering ang kampanya nito sa pagpapalawak ng Smart Vertical Farming sa Gitnang Luzon bilang tugon sa epekto ng El Niño.
Sa panayam ng Usapang Agrikultura, inisa-isa ni Central Luzon State University – College of Engineering Faculty Researcher, Dr. Christopher Pascual ang mga benepisyo sa vertical farming.
Bukod kasi sa mas tipid ito sa espasyo ay mas innovative at makatitipid din ito sa tubig bagay na makatutulong sa bansa lalo sa mga hakbang nito upang salagin ang epekto ng matinding tagtuyot.
Ilan sa mga konsepto sa ilalim ng Smart Vertical farming ay ang aquaphonics, aerophonics at iba pa na hindi na nangangailangan ng malaking espasyo ng lupa at hindi rin matakaw sa pataba.
Kung maipatutupad kasi ito ay tiyak na mas makakatipid ang mga magsasaka sa tubig habang inaani ang kaparehong bilang ng kanilang agri produce.
Isa rin itong alternatibong paraan para sa mga agri producers na labis na maaapektuhan ng El Niño upang kahit papaano ay makapagtanim pa rin sila.