Tiniyak ni Ombudsman Boying Remulla na magsasampa ang Office of the Ombudsman ng mga kasong may sapat na ebidensya laban sa mga sangkot sa smuggling at iba pang illegal na gawain.
Ayon kay Remulla, target nilang makakuha ng conviction laban sa malalaking personalidad upang maipakita sa publiko na may pananagutan ang mga sangkot sa katiwalian at illegal na aktibidad.
Sinabi din ng opisyal na pinag-aaralan na nila ang mga posibleng kasong isasampa laban sa mga nahuli at sisiguraduhing matibay ang mga ebidensyang ihaharap sa korte.
Binigyang-diin din ng Ombudsman, na walang pinapaboran ang kanilang tanggapan at magsasampa sila ng kaso laban kaninuman basta may sapat na basehan at ebidensya.
Matatandaan na nag-sanib pwersa na ang National Bureau of Investigation, Department of Justice, at Bureau of Customs para labanan ang talamak ng pagpupuslit ng agricultural products.
Suportado naman ang naturang hakbang ng Ombudsman.