Nagpahayag ng pangamba si Solid North Party-list Rep. Ching Bernos sa posibleng epekto ng planong paghiwalay ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) sa operasyon ng mga casino nito sa pondo para sa Universal Health Care (UHC).
Kasunod ito ng pahayag ni PAGCOR Chairperson at CEO Alejandro Tengco na inaasahang irekomenda ng Governance Commission for GOCCs kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa loob ng isang buwan ang decoupling ng ahensya.
Ayon kay Bernos, kailangang malinaw kung paano tutuparin ng PAGCOR ang obligasyon nito sa ilalim ng Republic Act 11223 o Universal Health Care Law.
Sa ilalim ng batas, 50 porsiyento ng bahagi ng national government mula sa kita ng PAGCOR ay ginagamit bilang isa sa mga pinagkukunan ng pondo para sa UHC.
Batay naman sa legal study ng Geronimo Law noong Hulyo, maaaring mabawasan ng ₱1.7 bilyon hanggang ₱2.1 bilyon kada taon ang pondo para sa UHC kapag isinapribado ang Casino Filipino.
Tinatayang nag-ambag ang operasyon ng Casino Filipino ng ₱3.02 bilyon sa UHC noong 2024 at ₱2.47 bilyon noong 2025.
Giit ng mambabatas, kailangang tiyakin ng pamahalaan na hindi maaapektuhan ang pagpapatupad ng Universal Health Care sa gitna ng pagbabago sa operasyon ng PAGCOR.