Nananatiling matatag ang presyo ng mga pangunahing bilihin sa bansa at walang natatanggap na anumang petisyon para sa pagtaas ng presyo ang Department of Trade and Industry (DTI) sa kabila ng patuloy na pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo.
Ayon kay DTI Secretary Ma. Cristina Roque, nananatiling ligtas sa anumang biglaang pagtaas ang presyo ng basic necessities and prime commodities (BNPCs).
“So far, wala pa tayong natatanggap na hiling para sa pagtaas ng presyo ng mga batayang pangangailangan at pangunahing bilihin. Kaya nananatiling matatag ang presyo ng pagkain,” pahayag ni Roque noong Lunes, Setyembre 28.
Maaari ring suriin ng mga mamimili ang opisyal na probisyon at talaan ng presyo ng DTI na kinakailangang makita sa mga pamilihan at supermarket, o ‘di kaya’y i-access ito sa mga opisyal na social media pages ng kagawaran.
Tumaas na Demand sa Pautang para sa MSMEs
Kaugnay nito, inihayag naman ni Small Business Corporation (SB Corp.) President at CEO Robert Bastillo na umahon nang higit limang beses ang demand para sa pampublikong programang pampautang ng gobyerno ngayong taon kumpara noong nakaraang taon.
Binigyang-diin ni Bastillo na ang pagtaas ng demand ay dulot ng patuloy na epekto ng sigalot sa Gitnang Silangan at ng lumalawak na kaalaman ng mga micro, small, and medium enterprises (MSMEs) ukol sa mga tulong-pinansyal mula sa gobyerno.
Halos fully utilized na rin ang ₱2-bilyong OFW Negosyo Fund na inilunsad noong Marso para sa mga Overseas Filipino Workers (OFWs) na nawalan ng trabaho dahil sa gulo sa Middle East.
Dahil sa mataas na demand, humihingi ang SB Corp. at DTI ng karagdagang ₱5 bilyon para sa pondong pampautang sa susunod na taon upang madagdagan ang kasalukuyang ₱12.9 bilyong badyet nito.
Samantala, sinabi rin ni Bastillo na bumaba na sa humigit-kumulang 10 porsyento ang past-due rate o hindi nakakabayad sa oras na maliliit na negosyante kumpara sa 30 porsyento noong panahon ng pandemya. Upang mas mapataas pa ang repayment rate, nakikipagtulungan ang SB Corp. sa mga kooperatiba kung saan halos 100 porsyento ang pabalik ng pautang dahil sa disiplina ng mga kasapi nito.