Naging mapayapa at manageable sa kabuuan ang naging assessment ng Philippine National Police – National Capital Region Police Office (NCRPO) sa dalawang araw na transport strike sa buong Metro Manila.
Sa panayam ng programang Boses kay NCRPO Spokesperson Police Lieutenant Colonel Hazel Asilo walang naitalang anumang untoward incident sa nangyaring tigil-pasada.
Pagdating naman sa libreng sakay ng PNP ay nakapag-deploy sila ng nasa 144 na sasakyan kung saan higit sa 600 pasahero ang natulungan at naserbisyuhan ng libreng sakay.
Naging mahigpit rin ang pagbabantay ng PNP sa mga kolorum na sasakyan na nagsasakay ng mga pasahero kahit wala sila sa kanilang linya.
Pumalo naman sa 8,000 PNP personnel ang ipinakalat ng Pambansang Pulisya upang matiyak ang seguridad at kaligtasan ng mga komyuter at ng publiko sa kasagsagan ng transport strike.
Pagdating naman sa mga nagsagawa ng rally sa kasagsagan ng transport strike ay wala namang major untoward incident ang naitala kahit pa walang naisyung permit sa mga grupong nagsagawa ng kilos-protesta.