Photo courtesy of ACT Teachers Party-list/Facebook
Isinumite sa tanggapan ni House Speaker Faustino Dy III ang isang petisyon na nilagdaan ng libu-libong kawani ng pamahalaan para itulak ang dagdag na Personnel Economic Relief Allowance o PERA ng mga civilian government workers.
Pinangunahan ni ACT Teachers Party-list Rep. Antonio Tinio at ng Alliance of Concerned Teachers ang paghahain ng petisyon na may mahigit 320,000 lagda, na nananawagan na itaas ang kasalukuyang P2,000 PERA kada buwan sa P5,000.
Ayon kay Tinio, panahon na upang dagdagan ang allowance ng mga kawani ng gobyerno dahil hindi na sapat ang kasalukuyang halaga na itinakda pa noong 2009.
Sinabi niya na may nakalaang pondo sa ilalim ng panukalang 2027 National Budget para sa PERA, ngunit ang nakapaloob dito ay katumbas lamang umano ng P500 dagdag sa buwanang allowance.
Giit ni Tinio, kayang pondohan ng pamahalaan ang mas malaking halaga, lalo na sa patuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin at serbisyo.
Ipinapakita aniya ng hakbang na ito ang malinaw na panawagan ng mga kawani ng gobyerno na magkaroon ng mas makabuluhang ayuda bilang tugon sa kanilang pang-araw-araw na pangangailangan.