Sinabi ng House prosecution panel na malinaw na umiiral ang conflict of interest sa pamilya Duterte kasunod ng pagharap ni Davao Mayor Baste Duterte sa witness stand sa day 31 ng impeachment trial.
Ayon kay House Prosecutor at Manila Rep. Joel Chua, matapos ang testimonya ni Mayor Baste ay nagpapatunay ng malalim na ugnayan ng pamilya Duterte sa negosyanteng si Jaime T. Cruz at sa mga transaksyon nito.
Sa pagdinig, inamin ni Mayor Baste na kilala niya si Cruz at kasosyo niya ito sa isa sa kanyang mga negosyo, ang Chinese Gen Bee Foods Corporation.
Ang pangalan ni Cruz ay naiugnay sa ilang kumpanyang may kaugnayan umano sa pamilya Duterte, kabilang ang GenCorp na idineklara ng Bise Presidente sa kanyang 2024 at 2025 Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN).
Bagamat itinanggi ng alkalde ang kaalaman sa kaugnayan ng Bise Presidente sa GenCorp, iginiit ni Rep. Chua na si Mayor Baste ang tumatayong Head of the Procuring Entity (HOPE) na nag-aapruba sa mga kontrata ng lungsod.
Kwinestyon ni Chua ang pagbabago ng patakaran ng Bids and Awards Committee (BAC) ng Davao City tungkol sa kinakailangang limang taong operasyon ng isang kumpanya bago makasali sa bidding.