Iginiit ni Akbayan Party-list Representative Chel Diokno ang pangangailangan na repasuhin ang mga polisiya ng pamahalaan sa enerhiya upang makabuo ng pangmatagalang solusyon sa pabago-bagong presyo ng langis.
Ayon kay Diokno, kailangang suriin ang Philippine Energy Plan 2023–2050 matapos maglabas si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ng Executive Order No. 125 na pansamantalang nagsuspinde sa Excise Tax sa LPG at kerosene.
Aniya, pansamantalang hakbang lamang ang suspensyon ng buwis at kailangan ng mas malinaw na estratehiya para mabawasan ang pagdepende ng bansa sa imported na langis.
Binigyang-diin niya ang pagpapalakas ng lokal na pinagkukunan ng enerhiya at paggamit ng renewable sources tulad ng solar at wind upang mapatatag ang energy security ng bansa.
Ayon kay Diokno, dapat ding alamin kung epektibo ang mga hakbang ng gobyerno para maibsan ang epekto ng mataas na presyo ng langis sa mga konsyumer at sektor tulad ng pampublikong transportasyon.
Iginiit niya na ang pagtaas ng presyo ng langis ay nagdudulot din ng pagtaas ng halaga ng mga bilihin na dagdag pasanin sa mga manggagawa, negosyo, at mamamayan.