Photo courtesy of Department of Tourism- Cordillera Administrative Region
Nitong Setyembre 17, 2026, opisyal nang kinumpirma si Adelaida “Adel” Guia bilang Guinness World Record Holder para sa “Largest Crochet Mandala by an Individual”. Ang kanyang obrang pinamagatang “Wishing Star Mandala” ay may sukat na 28.03 square meters at may bigat na 32 kilograms.
Nilikha ito sa loob ng 67 araw mula sa recycled yarn at mga ni-repurpose na materyales mula sa alpombra, at gamit ang 5 mm hook. Upang matapos ito, madalas siyang makitang naghahabi sa Rose Garden ng Burnham Park at sa Atrium ng SM City Baguio.

Ang sining ng paggagantsilyo ay natutuhan ni Adel mula sa kanyang ina, na naging kabuhayan ng pamilya sa Baguio sa pamamagitan ng kanilang negosyong “ABIAKAK”. Ngunit bago marating ang tagumpay, hinarap ni Adel ang isang matinding hamon noong Agosto 2024 nang siya ay inatake sa puso habang sinisimulan ang proyekto. Mayo 2025, matapos ang kanyang pagpapagaling, muli niyang hinawakan ang mga sinulid upang ipagpatuloy ang makasaysayang obra.
Sa suporta ng kanyang asawang si Philip at kanilang limang anak, pati na rin ng UP Baguio SILBI-TBI at Creative Baguio City Council, ang tagumpay ni Adel ay karangalan para sa buong bansa.
Sa kasalukuyan, ang dambuhalang mandala ay permanenteng nakasabit sa Tagitab Amphitheater sa Mt. Camisong Forest Park sa Loacan, Itogon, Benguet—isang patunay na ang sining at tiyaga ay kayang magwagi sa anumang pagsubok.