Tinutugis na ng Philippine National Police (PNP) ang mga miyembro ng grupong True Brown Style (TBS) na itinuturong nasa likod ng mga panghoholdap sa mga convenience store.
Sa ambush interview sa San Fernando City, Pampanga, sinabi ni Interior Secretary Jonvic Remulla na pagnanakaw ang initiation ng gang bago makapasok ang isang miyembro.
Narito ang bahagi ng pahayag ni Sec. Jonvic Remulla.
“Ngayon ang recruitment nila, bago ka makapasok sa grupo kailangan at gunpoint nakawan mo ang isang convenience store. Ayun ang initiations nila ah at 16 years old tinuturuan na sila magnakaw. Now this has become too much. Ang nagco-command conference kami lahat ng pulis ngayon ginagather namin ang intel kung sino ang mga miyembro nito and we will get them,” ani Remulla,
Ayon kay Remulla, nagsimula ang TBS sa California 35 taon na ang nakararaan at pumunta rito sa Pilipinas. Nang matanong kung gaano na kalaki ang grupo, sinabi ng kalihim na nasa bawat lokal na pamahalaan na sa Metro Manila at tinatayang nasa 78 sa 83 lalawigan ang grupo na karamihan sa mga urban center.
Ginagamit din umano ito sa pag-groom ng mga bata para magpakalat ng bomb threat at gun threat sa mga paaralan.
Samantala, bumaba aniya ang halos lahat ng krimen sa ilalim ng Safer Cities, maliban sa robbery na natunton sa TBS. Nanawagan din si Remulla sa mga magulang na bantayan ang kanilang mga anak, pati ang kanilang cellphone at mga kausap.