Itinuturo ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang Chinese Communist Party (CCP) na posibleng nasa likod ng pekeng liham na ipinadala ni Defense Secretary Gilberto Teodoro, Jr. sa isang ‘Peter Enzminger’.
Sa nasabing liham, lumalabas na nangako umano ang kalihim na makikipagsabwatan sa Amerika para isulong ang interes nito sa West Philippine Sea.
Sa panayam ng media sa Camp Aguinaldo, sinabi ni AFP Spokesperson for the West Philippine Sea Retired Rear Admiral Roy Vincent Trinidad, na China lang ang makikinabang sa gawaing ito.
Ayon kay Trinidad, layon ng pekeng liham na siraan ang mga opisyal ng gobyerno at pahinain ang alyansa ng Pilipinas at Amerika.
Batay sa mga indikasyon, sinabi ni Trinidad na galaw ito ng CCP o ng mga galamay nito, na kung minsan ay may kasama pang Pilipino. Inatasan na ng Department of National Defense ang National Bureau of Investigation na imbestigahan ang pagkalat ng liham.