Hinimok ng University of the Philippines-Los Baños ang mga agri-stakeholders na gamitin at makipag-ugnayan sa Department of Science and Technology (DOST) kung paano nila magagamit ang Climate Resilient Project sa agrikultura na Project SARAI.
Ang Project SARAI o Smarter Approach to Reinvigorate Agriculture as an Industry in the Philippines ay isang proyekto upang maihanda ang sektor ng agrikultura sa banta ng climate change partikular sa malakas na ulan at matinding tagtuyot.
Sa panayam ng Usapang Agrikultura kay UPLB School of Environmental Science and Management Dean, Dr. Decibel Eslava, maaaring ma-access ang Project SARAI sa lahat ng rehiyon sa bansa kung saan magiging malaking tulong ito upang makaiwas sa pinsala ang taniman ng mga magsasaka at iba pang agri stakeholders.
Ani Eslava magiging malaking tulong ito ngayon sa pagharap ng bansa sa epekto ng El Niño dahil mas magiging maayos na rin ang patubig at water management system dahil sa paggabay ng proyektong ito.
Nasa 14 na taon nang umiiral at nagagamit ng sektor ng agrikultura ang Project SARAI.