Puspusan ang mga ginagawang hakbang ng Department of Education (DepEd) para tiyaking nasusuportahan gayundin ay napangangalagaan ang kapakanan ng mga guro.
Ito naman ang binigyang diin ni Education Secretary Sonny Angara nang parangalan nito ang mga natatanging guro kasama si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., kahapon, sa pagdiriwang ng National Teacher’s Month.
Binigyang diin dito ang pangako ng pamahalaan na ibibigay ang de-kalidad na edukasyon sa mga guro na siyang susi naman para sa pagpapataas ng antas ng pagkatuto ng mga estudyante.
Ayon kay Angara, nagsisimula ang de-kalidad na edukasyon sa mga guro na may sapat na paghahanda, sinusuportahan, at may kakayahang tumugon sa nagbabagong pangangailangan ng mga mag-aaral.
Kahapon, pinarangalan at binigyang pagkilala ang mga guro dahil sa natatangi nilang ambag sa sektor ng edukasyon at sa pagtataguyod na maitaas ang antas ng pagkatuto ng mga mag-aaral.