Photo courtesy of DENR
Nanawagan ang Pilipinas sa international community na maglaan ng predictable at pangmatagalang pondo para sa climate adaptation, partikular sa pagpapatatag ng early warning systems.
Sa Solutions Dialogue on Financing Adaptation in the Era of Global Overshoot sa United Nations Headquarters sa New York, binigyang-diin ni DENR Usec. Atty. Analiza Rebuelta-Teh na hindi dapat nakaasa lamang sa short-term projects ang early warning systems.
Ayon kay Rebuelta-Teh, kailangan ng multi-year at predictable financing para matiyak ang operasyon, maintenance, data collection, technical personnel at system upgrades, hanggang sa magkaroon ng malinaw na domestic budget support.
Binigyang-diin din niya ang pangangailangang matiyak na ang mga babala ay agad na nasusundan ng angkop na aksyon, sa pamamagitan ng nakahandang pondo, tamang impormasyon sa panganib, mabilis na pagpapalaganap ng babala, at paghahanda ng mga komunidad.
Sinabi ng opisyal na hangad ng Pilipinas na lumipat tungo sa permanente at nationally owned systems of resilience, para matiyak na ang mga early warning ay nagiging maagap na aksyon para maprotektahan ang mga Pilipino.
“With predictable international support aligned with domestic planning and budgeting, we can ensure that early warnings are not only issued, but translated into timely action that protects lives, livelihoods, and development gains.”