Ilang frozen o imported meat umano sa merkado ang hinuhugasan gamit ang tawas para mawala ang masamang amoy at maibenta sa mas murang halaga.
Ito ang ibinunyag ni Agap Party-list Representative Nick Briones sa isang press conference sa Paco, Maynila ngayong araw.
Ayon kay Briones, ganitong paraan umano ang nadiskubre sa isang operasyon sa Marikina noong Hulyo, kung saan natuklasang hinuhugasan ang ilang karne ng baboy bago ibenta.
Dahil dito, nagbabala si Briones sa mga mamimili na maging maingat sa pagbili ng karne na sobrang baba ng presyo, partikular kung nasa halos ₱200 lamang kada kilo ang baboy.
Nanawagan din si Briones kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na tugunan ang umano’y pagkalugi ng mga hog raiser dahil sa mababang farmgate price at pagdami ng imported pork.
Hiniling din ng mambabatas na itaas ang tariff sa imported pork mula sa kasalukuyang 15 percent in-quota at 25 percent out-quota sa ilalim ng Executive Order 62, tungo sa 30 at 40 percent.