Kinikilala ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang malaking papel na ginagampanan ng mga guro. Kasabay ito ng pangakong titiyakin niya ang kaligtasan ng mga paaralan sa buong bansa.
“Together with parents, communities, and other partners, we will continue to work to make our schools more secure and more responsive to the needs of our learners,” ani Pangulong Marcos.
Kasabay nito, patuloy aniyang pinagbubuti ng pamahalaan ang paghahanda sa mga guro at ang kanilang propesyonal na pag-unlad sa buong panahon ng kanilang karera.
Ayon kay Pangulong Marcos, makikita ang mga hakbang na ito sa mga programa ng administrasyon, kabilang ang Teacher Education Roadmap 2035 at scholarship program para sa Teacher Education Centers of Excellence.
Ipinagmalaki ng Pangulo, na ang paglulunsad ng My Teacher Education Commons (MyTEC) ay magbibigay daan sa mas maraming oportunidad para sa mga guro na patuloy na matuto at mapaunlad ang kanilang kakayahan sa buong panahon ng kanilang karera.
Layunin ng administrasyon na masiguro na mas mahusay ang paghahanda sa mga guro bago sila pumasok sa silid-aralan at mabigyan sila ng makabuluhang oportunidad, na patuloy na matuto habang ginagampanan ang kanilang propesyon.
“Sa pamamagitan naman ng unang TEC Teachers Awards, kinikilala ng pamahalaan ang mga gurong nagpakita ng kahusayan at dedikasyon sa patuloy na pag-unlad ng kanilang propesyon, ayon kay Pangulong Marcos.
Kaugnay nito, nagpasalamat ang Pangulo sa mga guro sa buong bansa at kinilala rin ang mga katuwang ng pamahalaan mula sa pribadong sektor sa larangan ng teacher education dahil sa pagbabahagi ng kanilang kaalaman, resources, pananaliksik, at panahon.