Ligtas at normal ang sitwasyon sa De La Salle University o DLSU at De La Salle-College of St. Benilde o CSB sa Taft Avenue, Maynila, matapos mapatunayang walang katotohanan ang napaulat na banta ng pamamaril sa lugar.
Ayon sa Manila Police District o MPD, nakatanggap ang Malate Police Station 9 ng tawag mula Hotline 911 bandang alas-12:54 ng tanghali nitong Huwebes, October 1 kaugnay ng umano’y shooting threat sa loob ng DLSU.
Agad rumesponde ang mga awtoridad at nakipag-ugnayan sa DLSU Security Officer Benedict Burda ng Commando Security Services, Inc., na nagsabing walang natanggap na anumang banta at nananatiling normal ang sitwasyon sa campus.
Pinuntahan din ng mga pulis ang kalapit na CSB bilang bahagi ng security verification.
Kinumpirma rin ni CSB Security Officer Dominador M. Magleo Jr. na walang naitalang anumang banta o kaguluhan sa kanilang campus.
Nauna nang nagkansela ng afternoon classes ang CSB kahapon dahil sa natanggap na security threat.