Nagpadala na ng imbitasyon ang National Bureau of Investigation kay Vice President Sara Duterte, Davao City Rep. Paolo Duterte pati na rin kina dating House Speaker Lord Allan Velasco para sa imbestigasyon nila kaugnay ng affidavit ni dating police office Rodulfo Gracioso Jr.
Matatandaan na base sa affidavit ni Gracioso, nagpadala aniya ito ng male-maletang pera sa pamilya Duterte sa utos ni dating speaker Velasco.
Ayon sa NBI, ipinadala ito nitong Huwebes, October 1, at hindi naman ito subpoena kundi imbitasyon upang mabigyan sila ng pagkakataon na magpaliwanag patungkol sa mga ibinunyag ni Gracioso.
Dahil naman wala sa Pilipinas ang mag-asawang Velasco ipinadala ang imbitasyon sa kanila sa kanilang bahay sa Pasig City.
Inaasahan naman sa October 5 sila haharap sa opisina ng NBI, kung hindi personal ay maaari aniya sila magpadala ng kanilang representative o abogado.
Matatandaan na dati nang itinanggi ni Vice President Duterte ang mga alegasyon ni Gracioso gayundin ang kampo ni dating Speaker Velasco.