Photo courtesy of Bureau of Customs
Nasabat ng Bureau of Customs o BOC sa Port of Subic ang shipment ng frozen chicken meat mula Hong Kong na nagkakahalaga ng ₱6.669 milyon, matapos itong ideklarang cooked tofu.
Batay sa impormasyon ng BOC, isinailalim sa inspeksyon ang 40-foot container dahil sa intelligence information na posibleng naglalaman ito ng frozen o processed food products at agricultural commodities.
Nadiskubre sa pagsusuri ang 1,380 kahon ng frozen chicken breast at 174 na kahon ng frozen fish tofu, na taliwas sa idineklarang laman ng shipment.
Inirekomenda ang pag-isyu ng Warrant of Seizure and Detention dahil sa paglabag sa Food and Drug Administration Act of 2009, Food Safety Act of 2013, Department of Agriculture Administrative Circular No. 6 Series of 2022, at Customs Modernization and Tariff Act o CMTA.
Ayon kay Port of Subic District Collector Atty. Geniefelle P. Lagmay, nananatiling tungkulin ng kanilang tanggapan na protektahan ang borders ng bansa, tiyaking sumusunod sa customs laws ang mga shipment, at pangalagaan ang interes ng mga Pilipino.
Sinabi naman ni Customs Commissioner Ariel F. Nepomuceno na dapat manatiling nakatuon ang mga tauhan ng BOC sa pagpigil sa smuggling at pangangalaga sa lehitimong kalakalan, sa kabila ng mga personnel movement at internal cleansing sa Port of Subic.
Nagbabala rin ang Commissioner sa mga smuggler at sa sinumang nagbibigay sa kanila ng proteksyon, sa loob man o labas ng gobyerno, na patuloy silang hahabulin ng BOC at pananagutin sa ilalim ng batas.