Suportado ng Philippine National Police (PNP) ang Phnom Penh Declaration na naglalayong palakasin ang kooperasyon ng mga bansa sa Timog-Silangang Asya laban sa transnational crimes.
Isa ang Pilipinas sa 28 bansang lumagda sa deklarasyon sa International Conference on Combating Online Scams na ginanap sa Cambodia noong September 23 hanggang 24.
Nakapaloob sa deklarasyon ang 11 commitment upang buwagin ang mga criminal network, palakasin ang mga batas, at protektahan ang mga biktima ng scam.
Ayon kay PNP Chief Police General Jose Melencio Nartatez Jr., patunay ito ng pangako ng bansa na protektahan ang mga Pilipino laban sa online fraud, human trafficking, at iba pang krimen sa rehiyon.
May mga Pilipino rin kasing nabiktima ng online fraud at human trafficking na iniuugnay sa mga transnational syndicate.
Sa ngayon, nakikipag-ugnayan ang PNP sa mga awtoridad ng Cambodia hinggil sa mga Pilipinong biktima ng mga scam na iniulat na pinatatakbo sa nasabing bansa.