Sa Memorandum Order No. 94-2026 na pirmado ni Senior Associate Justice at Acting Chief Justice Marvic Leonen, inatasan niya ang lahat ng korte na ipaalam sa mga litigant at court personnel ang Judiciary Integrity Email na maaaring gamitin sa pag-uulat ng mga insidente ng katiwalian.
Ayon kay Leonen, maaaring i-report dito ang mga paglabag na kinasasangkutan ng mga hukom, mahistrado at iba pang court personnel, alinsunod sa 2025 Code of Judicial Conduct and Accountability at iba pang kaugnay na batas at patakaran.
Kabilang sa mga dapat i-report ang ex-parte communication o pakikipag-ugnayan ng isang partido sa hukom o hearing officer nang hindi kasama o nalalaman ng kabilang panig.
Kasama rin dito ang pangingikil o pag-aalok ng suhol kapalit ng pabor sa isang kaso, pagproseso ng court documents at iba pang proseso ng korte.
Maaari ring i-report ang paghingi o pagbibigay ng pera, regalo o pabor para makakuha ng sensitibong impormasyon tungkol sa isang kaso, kabilang ang pangalan ng ponente sa appellate courts, maging sa Supreme Court.
Hinihikayat din ni Leonen ang pag-uulat sa mga taong nag-aangking may impluwensiya sa korte at sa mga hukom, mahistrado, court personnel o abogado na nagpapadali ng mga pabor o espesyal na pagtrato.
Binigyang-diin ng Korte Suprema na dapat may tiyak at konkretong impormasyon ang mga isinusumiteng report para magsilbing batayan ng fact-finding o imbestigasyon.
Ayon sa Korte, ang pananahimik sa harap ng katiwalian ay nagiging pakikibahagi sa kawalang-katarungan.
Sinabi rin nito na ang katiwalian ay higit na nakikinabang sa mga makapangyarihan at mayayaman, habang nakaaapekto sa kakayahang maglingkod sa mga mahihirap at walang sapat na kapangyarihan.