Babantayan ng 1-Rider Party-list ang patas at makatwirang pagpapatupad ng No Contact Apprehension Policy o NCAP sa mga motorista, lalo na sa mga motorcycle rider.
Ayon kay 1-Rider Party-list Rep. Rodge Gutierrez, dapat tiyaking patas, pare-pareho, at may pagsasaalang-alang sa karapatan at kaligtasan ng mga road user ang pagpapatupad ng polisiya.
Giit ni Gutierrez, hindi dapat maparusahan ang mga motorista dahil sa mga sitwasyong wala sa kanilang kontrol, gaya ng hindi malinaw na signage, sira o hindi maayos na kalsada at biglaang pagpalit ng linya ng ibang sasakyan.
Nagpasalamat naman ang kinatawan sa MMDA sa mga isinagawang pagpapabuti, kabilang ang mga mekanismo para sa pagkuwestiyon sa mga traffic violation, at umaasang susundin ito ng mga lokal na pamahalaan.
Hinikayat ni Gutierrez ang mga motorista, lalo na ang motorcycle riders, na iulat ang kanilang karanasan sa pagpapatupad ng NCAP kabilang ang mga natanggap na notice at proseso ng pag-apela.
Aniya, dapat makatulong ang NCAP sa paglutas ng problema sa trapiko at hindi maging dagdag na pasakit sa mga motoristang naghahanapbuhay.