Tiwala si House Prosecutor Ysabel Maria “Bel” Zamora na sapat ang mga saksi ng prosekusyon upang pag-ugnayin at buuin ang kwento sa likod ng umano’y hindi maaipaliwanag na yaman o unexplained wealth ni Vice President Sara Duterte.
Ito ay sa kabila ng pag-atras ni dating Senador Antonio Trillanes IV na humarap sa witness stand.
Ayon kay Zamora, maghaharap ang prosekusyon ng mga saksi na magbibigay ng mga opisyal na rekord at magpapatotoo sa mga dokumentong ihahain sa Senate Impeachment Court.
Bagamat ang mga paratang at dokumentong iniharap ni Trillanes sa kanyang press conference noong Biyernes ay hindi pormal na bahagi ng mga ebidensyang inihain sa korte, sinabi ni Zamora na pag-aaralan pa rin nila ito habang sinusuri ang posibleng money trail o daloy ng pera na lilitaw mula sa mga patotoo at rekord ng iba pa nilang mga saksi.
Binigyang-diin din ni Zamora, na hindi agad basta-basta tatanggapin ng prosekusyon ang bawat paratang o impormasyon bilang katotohanan, kundi dadaan muna ito sa masusing beripikasyon at pagsusuri laban sa mga opisyal na rekord.