Hindi titigil ang Philippine National Police (PNP) na humanap ng iba’t ibang hakbang upang palakasin ang kanilang hanay upang makatugon sa hamon ng mga nagbabagong banta.
Ito ang tinuran ni PNP Chief, PGen. Jose Melencio Nartatez Jr makaraan siyang parangalan sa ika-33 anibersaryo ng Philippine Public Safety College (PPSC) noong isang linggo.
Ayon sa PNP Chief, mahalaga ang tuloy-tuloy na pagkatuto ng mga Pulis upang makasabay sa mga nagbabagong hamon at banta sa kaligtasan ng pubiko.
Kabilang sa binigyang-pansin ng PPSC kay Nartatez ang paggabay at mga ambag nito sa patuloy na mga programa ng institusyon para sa edukasyon, pagsasanay, at pagpapaunlad ng human resources sa larangan ng kaligtasan ng publiko.
Dahil dito, sinabi ni Nartatez na palalakasin ng PNP ang kanilang koordinasyon sa PPSC sa pagbuo ng mga programa sa pagsasanay na tutugon sa mga umuusbong na banta tulad ng cybercrime, online scams, trafficking, at transnational crime. | ulat ni Jaymark Dagala