Nakapagtala ang Bureau of Customs (BOC) ng pinakamataas nitong koleksyon para sa unang siyam na buwan ng taon matapos umabot sa ₱757.406 bilyon ang nalikom mula Enero hanggang Setyembre 2026.
Ayon kay BOC Commissioner Ariel Nepomuceno, nalampasan nito ng ₱8.913 bilyon o 1.2% ang ₱748.494-billion target para sa naturang panahon.
Mas mataas din ito ng ₱55.735 billion o 7.9% kumpara sa koleksyon sa kaparehong panahon noong 2025.
Noong Setyembre lamang, umabot sa ₱93.339 billion ang koleksyon ng BOC, higit ng ₱4.155 billion sa itinakdang target para sa buwan.
Iniugnay ni Nepomuceno ang pagtaas ng koleksyon sa mas mahigpit na monitoring, valuation at assessment, kampanya kontra smuggling at patuloy na modernisasyon ng Customs.
Target ng BOC na maabot ang ₱1-trilyong koleksyon bago matapos ang 2026.