Nasawi ang dalawang mag-aaral habang dalawa pa ang nasugatan matapos makuryente sa color and bubble fun run sa Cauayan South Central School sa Cauayan City, Isabela noong Sabado, Oktubre 3.
Kabilang sa mga nasawi ang isang pitong taong gulang na Grade 2 na babae at isang walong taong gulang na Grade 3 na lalaki.
Sugatan naman ang dalawa pang estudyante na anim na taong gulang at siyam na taong gulang.
Ayon kay PNP Spokesperson Police Colonel Allen Rae Co, may mga dumalo na nagsabi ng may “ground” o kuryente sa lugar bago ang insidente.
Tinitingnan ngayon ng pulisya kung ano ang ginawa ng mga organizer matapos itong ipaalam sa kanila.
Sa ngayon, hinihintay pa ang assessment ng electrical engineer, habang lumabas din sa imbestigasyon na walang waiver na pinirmahan ang mga magulang ng mga estudyante.
Posible namang maharap ang service provider at mga school authority sa kasong reckless imprudence resulting in multiple homicide at physical injuries, bukod pa sa civil damages.