Kumpirmadong nasawi ang apat na indibidwal, kabilang ang tatlong bata, habang apat na bata ang sugatan matapos sumabog ang isang rifle grenade sa Roxas, Isabela noong Linggo.
Batay sa Philippine National Police (PNP), nangyari ang insidente sa Purok Raniag, Barangay Sinamar, bandang alas-9 ng umaga.
Ayon kay PNP Spokesperson PCOL Allen Rae Co, may nakitang bagay ang mga bata sa isang kanal at ginalaw ito, na isa palang kalawanging rifle grenade. Posible aniyang matagal na itong naroon, at sa halip na iulat sa nakatatanda ay hinawakan ito ng mga bata.
Kabilang sa mga nasawi ang dalawang walong taong gulang at isang 10 taong gulang na bata. Nasawi rin ang isang 85-taong gulang na lola na naglalakad lang sa lugar nang mangyari ang pagsabog.
Isinugod pa siya sa ospital, pero kinalaunan ay pumanaw rin. Nasa stable na kondisyon naman ang apat na sugatang bata na nasa edad lima, walo, siyam at 10.