Nagbabala sina Senator-Judges Raffy Tulfo, Kiko Pangilinan, Tito Sotto, at Risa Hontiveros laban sa paggamit ng posibleng criminal liability bilang panakot kaugnay ng paglalabas ng Anti-Money Laundering Council (AMLC) records sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.
Sa naging cross examination ni Defense Counsel Atty. Mark Vinluan kay AMLC Executive Director Atty. Ronel Buenaventura, pinunto nito ang penalties sa ilalim ng Anti Money Laundering Act (AMLA), partikular tungkol sa paglalabas at pagre-report ng confidential information.
Tinanong ni Vinluan si Buenaventura kung maaaring managot sa kasong kriminal ang media sa paglalathala o pagsasahimpapawid ng confidential na impormasyon mula sa Anti-Money Laundering Council (AMLC).
Binigyang-diin din ni Vinluan na maaaring kabilang sa mga parusa sa paglabag sa confidentiality ang pagkakakulong at pagbabawal na humawak ng posisyon sa gobyerno.
Pinaalala ni Senator-Judge Raffy Tulfo na pinayagan na ng Senate Impeachment Court ang paglalabas ng mga record ng AMLC bilang bahagi ng paglilitis.
Ayon kay Tulfo, paulit-ulit nang binababadger ng depensa ang testigo, kahit ilang oras na itong sumasagot sa mga tanong.
Sinabi naman ni Pangilinan na iniuugnay ng depensa sa posibleng criminal liability ang disclosure ng AMLA records, kabilang ang mga inilabas ng House prosecution.
Sinabi niyang maaaring mauwi rin ito sa pagbanggit ng posibleng pananagutan maging ng mga senator-judges sa cross-examination ng AMLC witness.
Giit ni Pangilinan, may ruling na ang Presiding Officer na pinapayagan ang disclosure ng naturang records sa impeachment court, kaya kung tututulan ito ng depensa, maaari nitong dalhin ang usapin sa Supreme Court.
Samantala, ipinaalala ni Senator-Judge Tito Sotto sa mga counsel sa Impeachment Court ang konsepto ng Parliamentary Immunity.
Nanawagan naman si Senator-Judge Risa Hontiveros na huwag magkaroon ng anumang pagbabanta, direkta man o hindi, sa media sa pagganap ng tungkulin nitong mag-cover ng impeachment proceedings.
Ayon kay Hontiveros, mahalagang malayang maiparating sa publiko ang mga nangyayari sa paglilitis para mapag-usapan, mapag-isipan at makabuo ng sariling opinyon ang mga mamamayan.
Giit niya, hindi dapat magkaroon ng anumang “chilling effect,” sinadya man o hindi, sa hanay ng media o ang tinatawag na fourth estate.