📷 PTV
Inaasahang magiging operational na sa loob ng taong ito ang anim na karagdagang water treatment plant upang maghatid ng humigit-kumulang 452 milyong litro ng malinis na tubig araw-araw sa Metro Manila at mga karatig-lalawigan sa gitna ng banta ng El Niño.
Sa isang panayam sa Bagong Pilipinas noong Martes, sinabi ni Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) spokesperson Patrick Dizon na ang mga pasilidad na ito ay bahagi ng mga hakbangin upang maglinang ng mga mapagkukunan ng tubig labas sa Angat Dam, na kasalukuyang nagsu-supply ng humigit-kumulang 90 porsiyento ng pangangailangan ng tubig sa Metro Manila.
Ayon kay Dizon, mayroon nang limang umiiral na water treatment plant mula sa Laguna Lake na nagbibigay ng malinis na tubig sa mga kabahayan. Sa anim na idadagdag na pasilidad, tatlo ang matatagpuan sa Cavite, at tig-iisa naman sa Pasay, Antipolo, at sa silangang bahagi (east bay) ng Laguna Lake.
Inihayag din ng tagapagsalita na dalawang taon nang pinaghahandaan ng MWSS at ng mga concessionaire nito ang inaasahang El Niño sa pamamagitan ng pagbuo ng mga karagdagang pagkukunan ng tubig bilang bahagi ng water security measures ng pamahalaan.
Maging noong bumagsak sa pinakamababang antas na 150 metro ang tubig sa Angat Dam — ang pinakamababa mula nang maitayo ito noong 1967 — naiwasan ng MWSS ang malawakang supply interruption dahil sa mga inihandang contingency at mitigating measure. Sa ilalim ng karaniwang sitwasyon, maaari nang magkaroon ng mga kawalan ng supply kapag umabot na sa critical level na 160 metro ang dam.
Bukod sa mga bagong treatment plant, nakahanda na rin ang MWSS sa paggamit ng mga narehabilitang deep well na kayang magbigay ng humigit-kumulang 85 milyong litro ng tubig bawat araw. Simula noong 2014, itinigil ang paggamit at pagpapatayo ng mga deep well sa ilalim ng NWRB Resolution 001-0904 dahil sa banta ng land subsidence o paglubog ng lupa sa mga kritikal na lugar sa Metro Manila, Bulacan, at Cavite. Gayunman, humingi ang MWSS ng temporary permit noong 2019 upang marehabilita at muling magamit ang mga ito.
Kabilang pa sa mga hakbangin ng MWSS ang mga sumusunod:
- Water Recycling Technology: Pagtatayo ng mga treatment plant na gumagamit ng bagong teknolohiya upang linisin ang wastewater nang umabot ito sa Philippine National Standard for Drinking Water. Mayroon nang isang umiiral na pasilidad at dalawa pa ang inaasahang magsimula habang nagpapatuloy ang El Niño.
- Pag-aayos ng Imprastraktura: Pag-rehab sa mga lumang aqueduct, tunnel, at tubo na itinayo pa noong dekada ’30 at ’40 upang mabawasan ang mga natatagong water loss.
- Emergency Response: Paghahanda ng 135 stationary pump at 105 mobile water tanker, katuwang ang tulong mula sa mga lokal na pamahalaan sakaling magkaroon ng kakulangan sa supply.
Samantala, muling nanawagan si Dizon sa publiko na magtipid at maging matalino sa paggamit ng tubig (wise use of water), lalo’t maaari pang maramdaman ang epekto ng El Niño hanggang sa taong 2027.