Kinilala ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) ang mga finalist ng 2026 Tagsanay Awards bilang bahagi ng pagdiriwang ng World Teachers’ Day.
Isinagawa ang pagkilala sa mga finalist sa regular na flag-raising ceremony ng ahensya, kung saan binigyang-pugay ang dedikasyon, kadalubhasaan, at malasakit ng mga trainer at instructor ng TESDA.
Layunin ng Tagsanay Awards na kilalanin ang mahahalagang ambag ng mga tagapagsanay sa paghuhubog ng kaalaman at kasanayan ng mga Pilipino. Sa pamamagitan ng kanilang paggabay at pagtuturo, nakatutulong sila sa paglinang ng mga manggagawang may sapat na kakayahan, kumpiyansa sa sarili, at kahandaang makipagsabayan sa pandaigdigang pamantayan.
Nagpaabot naman ng pasasalamat ang TESDA sa lahat ng finalist dahil sa kanilang patuloy na paglilingkod at dedikasyon sa paghubog sa mga Pilipinong nagsisikap na makamit ang mas magandang kinabukasan.
Ang kanilang husay, malasakit, at dedikasyon ay patuloy na nagsisilbing inspirasyon sa mga Pilipinong pinauunlad ang kanilang mga kasanayan at naghahangad ng mas maraming oportunidad.
