Photo courtesy | U.S. Army Fort Hood
Inaprubahan ni United States President Donald Trump ang pagbitay sa dating army psychiatrist na sangkot sa karumal-dumal na pamamaril sa Fort Hood, Texas noong 2009.
Ayon kay Pentagon Spokesperson Sean Parnell, sinang-ayunan ni Trump ang rekomendasyon ni Defense Secretary Pete Hegseth na bitayin si dating Army psychiatrist Nidal Hasan sa pamamagitan ng “firing squad.”
Aniya, ang United States Army ang magdedetermina kung kailan at saan isasagawa ang bitay.
2013 nang ibinaba ng military jury ang parusang kamatayan laban kay Hasan buhat sa 45 counts ng premeditated murder at attempted murder.
Nag-ugat ito sa kaniyang walang habas na pamamaril sa Fort Hood, Texas na siyang ikinasawi ng 13 indibidwal at ikinasugat ng 32 iba pa.
Bibihira ang military executions sa Estados Unidos at ang kaso ni Hasan ang inaasahang magiging kauna-unahan magmula noong 1961.
Ang firing squad ay isa lamang sa inaprubahang federal capital punishments ng administrasyon ni Trump, kabilang ang lethal injection, electrocution, at gas asphyxiation.