Aabot na sa 10,776 kliyente sa buong bansa ang nakinabang sa mga serbisyong alok ng DENR Express o “Permitting on Wheels” sa unang limang buwang operasyon nito mula Abril hanggang Agosto 2026.
Ayon sa DENR, umabot din sa 2,852 environmental permits at clearances ang naiproseso at na-isyu sa naturang panahon.
Kabilang dito ang 194 Environmental Compliance Certificates, 682 Certificates of Non-Coverage, 595 Pollution Control Officer accreditations, 473 Wastewater Discharge Permits, at iba pang permit para sa hazardous waste, operasyon, transportasyon at chemical control.
Bukod dito, nakapagtala rin ang programa ng 2,302 direct assistance transactions para tulungan ang mga aplikante sa online systems, company registration, payments, legal inquiries at records requests.
Pinaikli rin ng DENR Express ang processing time ng ilang serbisyo gaya ng PCO accreditation na mula average na 14 araw ay pinaikli sa dalawang araw; Hazardous Waste Generator ID mula pitong araw, naging dalawa; at CNC processing mula anim na araw, naging tatlo.
Ayon kay DENR Sec. Juan Miguel “Mitch” Cuna, hangad ng programa na ilapit ang environmental permitting at technical assistance sa mga komunidad, MSMEs at project proponents, lalo na sa mga malayo sa regional offices.