Para maisulong ang online safety ng mga kabataan, isang high-level meeting ang isinagawa ng pamahalaan kasama ang mga kinatawan ng online platform na Discord.
Pinangunahan ni DICT Sec. Henry Aguda ang virtual meeting, kasama si CICC Asec. Alvin Navarro, Discord representatives, Senior Public Policy Advisor Vasundhara Singh, Discord Head of US Public Policy Allison Peters at mga kinatawan ng National Bureau of Investigation at Philippine National Police-Anti-Cybercrime Group.
Dito, tinalakay kung paano makatutulong ang Discord sa pagtukoy at pagsubaybay sa mga malicious actor sa platform, gayundin sa pag-monitor at pagtugon sa mga banta na may kaugnayan sa Nihilistic Violent Extremism o NVE.
Napag-usapan din ang pagpapalakas sa koordinasyon ng platform at ng Philippine authorities sa pagtugon sa online violence at iba pang panganib sa mga kabataan.
Ang pagpupulong ay pinangasiwaan ng Department of Foreign Affairs at Philippine Embassy sa Washington, D.C., kasunod ng mga hakbang ng pamahalaan para palakasin ang child safety at accountability ng online platforms.