Pinatututukan ni Abra Representative JB Bernos ang pagkakaroon ng mas maraming conviction sa mga kaso ng agricultural smuggling upang magsilbing babala sa iba pang sangkot sa ilegal na pag-aangkat.
Ito ay kasunod ng pagsasampa ng Bureau of Customs ng anim na criminal complaint kaugnay ng mga shipment na idineklarang “chicken lollipops” ngunit naglalaman umano ng sibuyas at carrots.
Ayon kay Bernos, mahalagang mapanagot ang mga sangkot dahil malaki ang epekto ng agricultural smuggling sa ekonomiya at kabuhayan ng mga magsasaka.
Binigyang-diin din niya ang pangangailangang palakasin ang kaalaman ng mga law enforcer sa tamang proseso ng pangangalap at paghawak ng ebidensya.
Aniya, dapat tiyaking naaayon sa batas ang bawat hakbang upang hindi makatakas ang mga suspek dahil lamang sa technicalities.
Umaasa si Bernos na hahantong sa conviction ang mga kasong isinampa upang mabigyan ng hustisya ang mga magsasakang naaapektuhan ng agricultural smuggling.