Patuloy na isinusulong ng adminisytrasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos ang iba’t ibang estratehiya at prayoridad na hakbang upang maibsan ang epekto ng patuloy na pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin at serbisyo sa bansa.
Sa ginanap na pulong sa Malacañang, natalakay ang mga pangunahing interbensyon ng mga kaukulang ahensya sa patuloy na epekto ng El Niño sa pagkain, tubig, enerhiya, kalusugan, at kaligtasan ng publiko. Narito ang ilang binigyang pansin:
- Pagtulong sa Sektor ng Enerhiya at Kuryente: Sinuspinde ang pagpapataw ng excise tax sa LPG at kerosene upang magbigay-ginhawa sa mga kabahayan at maliliit na negosyo. Pinalawig din ang Secondary Price Cap sa Visayas at Mindanao upang mapigilan ang labis na pagtaas ng presyo ng kuryente sa mga naturang rehiyon.
- Mas Maagang Paghahanda sa El Niño: Isinagawa ang advance purchases ng mga suplay ng bigas, pataba (fertilizer), at iba pang kagamitang pangkabuhayan sa agrikultura. Kasama rin sa mga hakbang ang patuloy na monitoring, targeted interventions, dagdag na food at cold storage facilities, pati na rin ang cloud seeding sa mga rehiyong apektado ng tagtuyot.
- Sapat na Suplay ng Pagkain: Inaprubahan na para sa commercial sale ang bakuna laban sa African Swine Fever (ASF) upang mapanatiling matatag ang suplay at presyo ng karne ng baboy, lalo na sa paglapit ng holiday season. Pinalawak din ang storage capacity ng National Food Authority (NFA) nang hanggang 100,000 bags ng palay upang makabili ng mas maraming ani mula sa mga lokal na magsasaka.
- Mababang Bawas sa Lohistika at Data-Driven Agriculture: Isinusulong ang toll waiver para sa mga hauler ng produktong agrikultural hanggang Disyembre 31 upang mabawasan ang gastos sa pagbibiyahe. Samantala, pinatibay naman ng Department of Agriculture (DA) at PAGASA ang kanilang data-sharing system para sa mas maayos na rice monitoring, climate-risk assessment, at disaster preparedness.
Inaasahan na ang mga hakbang na ito ay makatutulong nang malaki sa pagpapanatili ng katatagan ng pambansang ekonomiya at sa proteksyon ng kapakanan ng mamamayang Pilipino tungo sa isang Bagong Pilipinas.