Maaaring magpasya ang Impeachment Court kung pagbibigyan nito ang mosyon ng prosekusyon na huwag nang ituloy ang paglilitis sa Article 3 ng impeachment case laban kay Vice President Sara Duterte.
Sinabi ni Impeachment Court Spokesperson Atty. Reginald Tongol na hindi awtomatikong malalaglag ang Impeachment Article III (Bribery), laban kay Vice President Sara Duterte sakaling magmosyon tungkol dito ang House Prosecution Panel.
Ayon kay Tongol, kapag pormal nang nagmosyon ang prosecution na hindi na nila itutuloy ang pagtalakay sa Article III ay maaaring usisain pa ng senator-judges ang dahilan.
Depende sa rason, maaaring payagan ng Impeachment Court ang paglalaglag ng kaso o iutos na patuloy itong litisin.
Matatandaang ang Article III ng impeachment case na Bribery ay bunsod ng testimonya sa Kamara ng mga dating procurement at bidding officials ng Department of Education (DepEd) na ilang beses umano silang pinadalhan ng sobre ng pera ni VP Sara, na naging kalihim ng DepEd.