Nilinaw ng Tagapagsalita ng Senate Impeachment Court na si Atty. Reginald Tongol na ang December 16 na una niyang binanggit bilang posibleng paglalabas ng verdict sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte ay projection lamang at hindi deadline na itinakda ng korte.
Ayon kay Tongol, nakabatay ang naturang petsa sa administrative at logistical calculation, kabilang ang bilang ng mga testigong nakasaad sa pre-trial order, kalendaryo ng Senado, at mga naunang pahayag ng Senate President at ng Presiding Officer.
Binigyang-diin ni Tongol na maaaring lumampas sa December 16 ang paglilitis kung kinakailangan ng mas maraming panahon para suriin ang mga ebidensya.
Maaari rin naman aniyang matapos nang mas maaga kung magkaroon ng dagdag na stipulation ang mga partido, may mga testigong iuurong, o may mga artikulong bawiin ang House prosecution panel.
Samantala, una nang nagpasalamat si Tongol sa mga senator-judge sa kabila ng mga batikos sa umano’y paulit-ulit niyang pagkakamali sa kanyang mga pahayag.
Ito ay matapos siyang sitahin ni Senator-Judge Raffy Tulfo sa open court dahil sa nauna niyang pahayag na tila nagtakda ng posibleng pagtatapos ng impeachment trial ni VP Sara.
Sinabi ni Tulfo na dapat mag-admonish si Tongol dahil sa naturang pahayag.
Ayon naman kay Tongol, tinatanggap niya ang puna ng mga senator-judge at nagpapasalamat sa kanilang paggabay sa kanyang trabaho bilang tagapagsalita ng Impeachment Court.