Itinutulak ng Department of Agriculture (DA) ang pagpapalakas pa ng produksiyon ng sektor ng agrikultura upang masalag ang epekto ng inflation at mapaghandaan na rin ang El Niño.
Sa panayam ng PTV kay DA Spokesperson, Assistant Secretary Arnel De Mesa, sinabi niyang kasado na ang mga interbensiyon at tulong ng pamahalaan sa mga magsasaka upang masuportahan ang pagpapataas ng kanilang produksiyon.
Tiniyak din ng DA, na hindi maaapektuhan ng isasagawang importasyon ng DA ng ilang agri commodities ang pagtangkilik ng mga Pilipino sa locally-produced agri products.
Paraan lamang umano ito upang matiyak ang sapat na suplay ng pagkain lalo’t pinaghahandaan ng bansa ang matinding epekto ng El Niño.
Inaasahan na rin ng DA na agad nang makakabawi ang suplay at presyo ng gulay na sinalanta ng mga nagdaang bagyo at masamang panahon.
Gayundin nananatiling matatag ang presyo ng karne ng baboy at manok kaya walang dapat ipangamba ang publiko.