Umabot na sa 35 porsyento ang natatapos sa rehabilitasyon ng Maysan Road sa Valenzuela City.
Matapos reklamuhan ng mga motorista ang lumalala at dumadaming mga lubak sa kalsada, sinimulan ang rehabilitasyon ng naturang road section.
Ayon kay Public Works Secretary Vince Dizon, wala pang dalawang buwan mula nang simulan ang proyekto pero mahigit isang kilometro na ng kalsada ang na-aspalto.
Kasabay nito ang pag-upgrade at pagsasaayos ng drainage system para matugunan ang problema sa pagbaha sa lugar.
Kasama rin sa drainage works ang pagpapalawak ng mga maliliit na ilog upang makatulong sa pagpapababa ng baha na paulit-ulit na nararanasan sa area.
May kabuuang saklaw na 1.5 kilometro bawat lane ang proyekto, o tatlong kilometro kapag pinagsama ang magkabilang lane.
Ayon kay Dizon, target sanang makumpleto ang proyekto sa unang bahagi ng susunod na taon dahil malawak ang saklaw ng mga gawain.
Pero dahil papalapit na ang pasko at inaasahang dadami ang mga bumibiyahe, pinipilit ng dpwh na mapabilis ang trabaho at makumpleto ito bago mag-christmas. | ulat ni Diane Lear